Biyernes, Marso 8, 2013

LUPANG HINIRANG: Panaginip o Malaking Kahibangan?

LUPANG HINIRANG:  PANAGINIP O ISANG MALAKING KAHIBANGAN AT KASINUNGALINGAN NA TILA BA SA HALIP MAGBIGAY NG PARANGAL ANG ATING BAWAT PAG-AWIT AY LALO ITONG NAGSISILBING PAGYURAK SA DANGAL NG ATING PINAKAMAMAHAL NA INANG BAYANG PILIPINAS....

Bayang magiliw 
Perlas ng silanganan 
Alab ng puso 
Sa dibdib mo'y buhay 

Lupang Hinirang 
Duyan ka nang magiting 
Sa manlulupig 
Di ka pasisiil 

Sa Dagat at bundok sa simoy 
At sa langit mo'y bughaw 
May dilag ang tula 
At awit sa paglayang minamahal 
Ang kislap ng watawat mo'y tagumpay na nagniningning 
Ang bituin at araw niya'y kailanpama'y di magdidilim 

Lupa ng araw ng luwalhati't pagsinta 
Buhay ay langit sa piling mo 
Aming ligaya nang pag 
May mang-aapi 
Ang mamatay ng dahil sayo 

May giliw pa nga bang natitira sa ating bayan na pilit at buong pagsusumikap na nililisan ng ating mga kababayan upang humanap ng ikabubuhay sa ibang panig ng daigdig?   Nasaan ang giliw ng isang bayan kung saan mang dako mo ipaling ang iyong paningin ay makikita na ang mga mahihirap ay patuloy na pahirap nang pahirap samantalang ang mga maiimpluwensiya at makakapangyarihan ay patuloy sa walang humpay na pagyaman at pagpapayaman?   Magiliw pa nga ba itong maituturing gayong napakalaki at halos lahat ng mayayamang lupain nito ay pagmamay-ari ng mga asyendero, aristokratiko at mga elitista?   At lingid ba sa inyong kaalaman na ang kayamanan ng buong Pilipinas ay nahahati o pinaghahatian lamang ng humigit kumulang animnapung(60) makakapangyarihang angkan?   Napakasakit at napakahirap kagiliwan ng isang bayan na ang kanyang lahat ng mga likas na yaman (natural gas, petroleum, mga pagmimina... etc) ay pinakikinabangan lamang ng mangilan-ngilang makakapangyarihang tao at mga dayuhan.

Ang isang perlas na madumi ay mababa ang uri at mababa din ang halaga.   Sa mga nakakalbo nating kabundukan at kagubatan, sa mga nagdudumihang mga ilog at karagatan,  hanggang sa ating mga kababaihang nabubulid sa pagbebenta ng laman sa loob at sa labas man ng ating bansa,  ay napawi na ng lahat ng mga ito ang kislap at ningning na dati nating angkin.

Ang aking puso ay nag-aalab sa galit, kapighatian, kabiguan at sa kawalan ng pag-asa sa pahirap na dinadanas ng aking bayan panahon pa ng mga mapang-aping Kastila magpahanggang ngayon.

Lupang Hinirang para kanino?   Sa mga makakapangyarihan,  maiimpluwensiya at malalakas?

Duyan ka pa nga ba ng mga magigiting gayong ang mga kapalaluan, kabuktutan, pagmamalabis sa tungkulin, pang-aapi, monopoliya at dinastiya na paulit-ulit lang na nangyayari sa ating buong sambayanan ay hindi dapat nananaig kung tayo nga ay talagang magigiting.   Ang paglaganap at pamamayani ng lahat ng mga ito ay katibayan lamang na tayong mga Pilipino ay mangmang, madaling paikutin at paniwalain, walang pakialam at malasakit, at higit na masakit sa lahat, DUWAG.

Sa manlulupig ay di ka pasisiil.... Sabah... Tubataha Reef.... Scarborough Shoal.... Hindi ko mapigilan ang aking sariling mapatawa.   Mula pa noon magpahanggang ngayon tayo ay sunud-sunuran sa lahat ng mga idinidikta sa atin ng mga mayayaman at makakapangyarihang mga bansa at organisasyon.   Ito ay bukod pa sa katotohanang ang panlulupig ay maaring magmula sa labas man o maging sa loob ng ating bansa.   Tingnan at suriin mo ang mga nangamamayagpag at mga nangamumuno sa ating sambayanan.... May nagbago ba?   Anak, apo, lolo, lola, kapatid.... Sila sila na lang 'di ba?.... Tila ba ito isang Rigodon sa piging ng mga mayayaman at mga makakapangyarihan na pinanonood ng mga walang magawa, patuloy na naghihikahos at malapit nang mamatay sa gutom na ating mga kababayan.  Hindi ka pa ba napasisiil sa lagay na yan?

Sa dagat na marumi at patuloy na nilalapastangan,  sa mga bundok na kinakalbo at walang humpay na pinagpapasasaan, sa bawat karapatan ng mga ordinaryong mamamayan na paulit-ulit na ginagahasa ng mga buhong at mga ganid sa kapangyarihan,  sa simoy ng hangin na nagmumula sa mga tambakan ng mga basura na nagsilbing tahanan ng ating mahihirap na kababayan na hikahos sa buhay.... Malamlam at wari bang nakikiisa ang langit sa kawalang pag-asang dinadanas ng ating bayan...

May dilag ang tula 
At awit sa paglayang minamahal 
Ang kislap ng watawat mo'y tagumpay na nagniningning 
Ang bituin at araw niya'y kailanpama'y di magdidilim 

Lupa ng araw ng luwalhati't pagsinta 
Buhay ay langit sa piling mo 
Aming ligaya nang pag 
May mang-aapi 
Ang mamatay ng dahil sayo 

HINIHILING KO NA HUWAG TAYONG MAGSINUNGALING SA ATING MGA SARILI.  Ito ay isang malaking kahibangan.   Napakalaking kasalanan sa ating pagkatao lalong lalo na sa ating Inang Bayang Pilipinas ang awitan siya ng alam naman nating kasinungalingan.

Tanggapin nating lahat na tayong mga Pilipino ay marami pang dapat ibuwis na dugo at buhay upang patunayan na tayo ay karapat-dapat na mag-alay ng napakamakabuluhang awiting ito para sa ating bayang Pilipinas.   Sa ngayon,  hindi pa napapanahon upang tayo ay umawit.  -NVM 666


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento